Saturday, September 27, 2014

Paano nga ba ang Maging Plebo: Mga Natatanging Karanasan ng Isang Dumb Guard (Part 7)




"Time is relative". Mabilis na lumipas ang mga araw simula nang sumali o ma-“incorporate” kami sa Regular Corps. Ito siguro ay marahil sa laging puno ng gawain ang bawat araw namin noon, at halos wala kaming panahong bilangin ang bawat oras o sandali. 
 
Mga dakong alas- tres o alas- kwatro nang madaling araw pa lang ay gising na ang bawat plebo. Kaagad naming inaayos ang aming higaan katulad ng itinuro sa amin noong nakalipas na "kampo sa tag- araw" o "summer camp". Pagkatapos itupi ang kumot at bedsheet, pinapadaanan namin ito ng plantsa upang mawala ang anumang lukot o bakas ng aming pagtulog. Pagkatapos ay kanya- kanya na kami ng kuha ng walis at bunot para simulan ang paglilinis sa mahabang pasilyo ng aming baraks. Sa kumpas ng Boom-boom, sabay- sabay naming binubunot ang sahig na pinapula ng masoline at floorwax. Talo pa namin ang tumakbo ng tatlong kilometro sa pawis pagkatapos ng pabalik-balik na boom-boom upang lubos na kumintab ang sahig. Sabi kasi ng mga yearling -ang mga kadeteng nasa ikalawang antas na, dapat madulas ang langaw na dadapo dito o kaya, dapat makita namin ang aming mukha sa sahig. Mayroon pa kaming tinatawag na “diamond formation” upang pantay na pantay ang hagod ng aming mga bunot. Akalain mo yun, pati pagbubunot ng sahig ay mayroong tamang ayos!

Wala kaming taga-linis o janitor sa loob ng baraks. Ang mga plebo, bilang syang pinakamababang uri, “lowest mammal” wika nga, ang syang nakatokang panatilihin ang kalinisan at kaayusan ng baraks. Habang ang iba ay abala sa pagbubunot ng pulang sahig, pagwawalis o kaya ay pagtatapon ng basura, ang ilan naman ay nag- aayos ng mga gamit, uniporme at iba pang pangangailangan para sa anumang gawain maghapon. Bago pa magising ang mga nakatataas, nalinis na namin ang mga paliguan, kubeta at iba pang mga sulok ng aming tirahan. At syempre, nariyan din ang tradisyonal na panghaharana sa mga unang klase o mga “first class”. Bawat isang kwarto ay aming inaawitan ng mga paborito nilang awitin.  Mayroon sa kanila na panay ingles na kanta lamang ang hilig at mayroon din namang tanging OPM ang paborito. Kusa naming sinasaliksik ang mga detalyeng katulad nito upang hindi kami magkamali. Datapwat hindi naman kagandahan ang aming mga tinig, natututwa na silang makita ang aming pagkukusa. May “attempt” ‘ika nga.

Tuwing may nagdiriwang ng kaniyang kaarawan, sinisiguro namin na espesyal ang mga awitin at kung minsan ay mayroon pang gitara. Sa saliw ng Corps Birthday Song, ginagayakan namin ang kaniyang kwarto upang magmukha itong gubat (lalo na kung siya ay isang Army Cadet), at kakaiba. Pagkatapos ay pinapadaan at inililibot namin sya sa lahat ng kanyang mga kaklase upang siya ay mabati sa pamamagitan ng pagkiliti at pagpingot o pagpisil sa ilong at mga tainga. Bago magliwanag, inihuhulog namin siya sa mala- yelong tubig sa harap ng Sundial. Ito ang dunking- isang simpleng tradisyon ng mga Bugu- bugo upang ipagdiwang ang anumang okasyon o tagumpay ng bawat isa. At syempre inaabangan ang boodle fight pagdating ng gabi.

Pagsapit ng ika- anim nang umaga ay nakahanda na kami upang kumain ng umagahan. Subalit, bilang mga plebo, kinakailangan muna naming mag- ensayo ng mga batayang pagmartsa o kaya naman ay pag- hawak ng sandata nang sa ganoon ay ma- kabisado namin ang parada. Dapat kasi ay perpekto ang pagsasagawa ng parada sapagkat dito nakasalalay ang pagkakataong magliwaliw sa Baguio ang mga kadeteng nakakataas ng antas.

Courtesy: https://www.facebook.com/pmaunclebobo
Samantala, pagkatapos ng mga pagsasanay, pagbibilangan at pag- uulat ay agad na kaming tumutungo sa Bulwagang Kainan- ang Yap Hall. Tulad ng aking nabanggit, bago kumain ay dapat munang patunayan ng isang plebo na karapat- dapat siyang kumain sa pamamagitan ng pag- sasalaysay ng mga Karunungang Pang- Plebo o “Plebe Knowledge”. Kabilang dito ang mga tula na aking nabanggit noon at pati na rin ang mga kasalukuyang kaganapan o current events, mga pangalan ng mga pinunong naka- talaga at mga kadeteng may katungkulan. Hindi rin namin kinakaligtaang banggitin ang pangalan ng mga pagkaing nasa hapag- kainan at ang listahan ng mga putahe o menu kinabukasan.

 Sadyang napakahaba ng seremonyang pagdadaanan ng isang plebo bago siya makatikim ng pagkain. Noon nga ang akala ko ay talagang ayaw lamang kaming pakainin, o kaya ay ipinagdadamot sa amin ang pagkain. Ngunit ipinaliwanag sa amin ng aming iskwad lider na ito ay isang pamamaraan upang patalasin ang aming mga isipan, at sanayin ang aming mga utak na tumanggap at magproseso ng samut-saring mga kaalaman, impormasyon o detalye sa gitna ng kaguluhan sa aming paligid. Dagdag pa ditto ay ang pagturo sa amin ng tinatawag na “rank has its privileges and responsibilities”- ang bawat antas o ranggo ay may kaukulang pribiliheyo at responsibilidad. Ang pribiliheyo umano ay mas matamis kung ito ay iyong pinaghirapan at pinagpawisan. Siyempre, naniwala naman kami. Plebo nga eh.  

Sa dinami- dami ng mga gawain ng isang plebo, animo’y lantang gulay kami pagsapit ng gabi bagamat wala sa aming mga bokabularyo ang salitang pagod o kapaguran. Hindi rin maaaring makaligtaan ang oras kahit na ipinagbabawal sa plebo ang pagsuot ng relo o “wrist watch”. “Alarm clock” lamang ang pwede naming taglayin sapagkat bawat gawain ay may nakatakdang oras. Ang bawat minutong pagka- huli sa nakatakdang gawain ay may katumbas na kaparusahan. Sa akademya pa lamang ay hinuhubog na ang mga kadete upang matutong pahalagahan ang oras. Ang oras ay ginto. Ang oras ay buhay.

Hindi ko na matandaan kung anu- ano ang mga asignaturang kinuha namin noon pero tiyak ko na kabilang dito ang Algebra, English, Filipino, Kasaysayan at Heograpiya,  at mga batayang agham pang- militar o “military science” at pamumuno o "leadership". Hinding- hindi ko makakalimutan ang algebra dahil bagamat hindi naman ako masyadong nahirapan dito, hindi ko rin masasabi na ito ay naging madali para sa akin. Kadalasan kasi ay mas nangingibabaw ang antok sa tuwing kami ay nasa silid- aralan. Hindi ko man sadyain ay kusang dumarating ang antok, at bago ko pa ito mamalayan, naglalakbay na ang aking diwa sa mundo ng pansit at mga tinapay. Ayun, paggising ko tuloy, tanging pangalan ko lamang ang aking naisulat. Ang iba ay mga mala- uod na mga titik na hindi mo maiintindihan. Paglabas ng resulta, tiyak na bagsak na ay mayroon pang kasamang Delinquency Report (DR)- isang dilaw na papel kung saan nakasulat ang iyong kasalanan. Tatlo lamang ang paliwanag sa DR- “I did, I did”- ginawa ko at sinadya ko; “I did, I did not”- ginawa ko, hindi ko sinasadya; “I did not, I did not”- hindi ko ginawa at hindi ko sinasadya na makalabag ng alituntunin.

Courtesy: https://www.facebook.com/pmaunclebobo
 Hindi ko na rin maalala ang mga pangalan ng aming mga guro noon pero hindi ko makakalimutan ang kanilang mga mukha at ang mga kakaibang istilo ng pagtuturo.  Hindi tulad ng mga estudyante sa kolehiyo na pwede lamang mag-usap o magkwentuhan sa loob ng silid- aralan, ang mga kadete ay may mahigpit na sinusunod na pamamaraan pang silid- aralan o “classroom procedures”. Halimbawa, ang kadete ay kinakailangang tumayo sa tuwing sasagot o kaya ay kapag tinatawag ng guro. Ang sinumang nahuling natutulog ay maaring  bigyan ng DR o kaya naman ay kagyat na binibigyan ng kaparusahan tulad ng “push- up”, “squat thrust” o anumang paraan ng pagpapawis upang magising ang kaniyang diwa.

Bawal ang tumayo sa isang paa lamang (stand on one leg) o kaya ay sumandal sa pader. Bawal kumain. Bawal lumabas ng walang pahintulot. Bawal buksan ang anumang aklat hanggat hindi sinasabi. Bawal lumipat ng upuan. Bawal ang cellphone. Bawal mangopya. Bawal magtanong nang walang pahintulot, at kung anu- ano pang mga alituntunin. Ang ganitong paghihigpit ang isa sa mga nagbubukod sa akademya kumpara sa ibang mga unibersidad o kolehiyong pangsibilyan. At bagamat sadyang mahigpit, ito ay mabisang paraan upang hubugin ang pagkatao ng bawat kadete sa larangan ng integridad o karangalan.