Ang "The Ruins" sa
Lungsod ng Talisay, Negros Occidental
|
Nakapunta ka na ba sa Lungsod ng Bacolod, o sa anumang bahagi ng Isla ng Negros? Kung hindi pa ay simulan mo nang planuhing makaapak sa tinaguriang Kapital ng Asukal or Sugar Capital ng ating bansa. Ngunit bukod sa asukal at malalawak na mga pataniman ng tubo ay napakaraming tanawin pa ang makikita sa islang ito. Ako mismo ay namamangha sa tuwing may mga bago akong natutuklasang mga lugar sa ibat-ibang sulok ng isla.
Mula noong 2006 ay dito na ako halos
nakatira sa Negros. Dito kasi ang unang destino ko bilang isang sundalo. Halos
nalibot ko ang iba’t-ibang mga lungsod at bayan mula sa dulong hilaga hanggang
sa gitna at sa katimugang bahagi ng Negros Occidental. Napadpad na rin ako sa
Negros Oriental lalung-lalo na sa may bahagi ng una at pangalawang distrito nito.
Nakasalamuha ko dito ang iba’t-ibang mga tao lalo na yaong mga naninirahan sa
mga liblib na lugar at kabundukan. Doon kasi umiikot ang buhay namin- sa mga
lugar kung saan may masasabing may suliraning pangseguridad. Ito yung mga lugar na
tinatawag natin na vulnerable communities.
Malimit ay kinakaharap nila ang karahasan, problemang pangkalusugan, kawalan ng
edukasyon at syempre ang kawalan o kakulangan ng hustisya. Kahirapan ang
karaniwang suliranin ng mga pamayanang nadaratnan namin. Isang mahabang usapin
ito kaya’t hindi muna ‘yan ang isasalaysay ko.
Imahe mula sa Google Maps |
Bagamat marami na akong napuntahang mga
lugar ay iilan lamang sa mga ito ang kabilang sa mga lugar pang-turista o tourist spots. Halos wala naman kasi
kaming panahon upang magliwaliw kapag nakadestino sa mga liblib na lugar. Mas
ginugugol kasi namin ang aming mga oras sa paninilbihan sa mga komunidad o kaya
naman ay sa pagsasanay. Bukod pa dito ay sadyang napakalalayo ng mga lugar-pasyalan.
Kulang ang isa o dalawang araw upang sadyain ang mga natatanging pasyalan sa
loob at labas ng Bacolod. Halimbawa, kung pupunta ka sa Punta Bulata at iba
pang magagandang dalampasigan na matatagpuan sa bahagi ng Bayan ng Cauayan at Lungsod
Sipalay ay halos tatlong oras na byahe mula sa Bacolod ang iyong bubunuin. Kung
pupunta ka naman sa Mambukal Mountain Resort sa Bayan ng Murcia ay humigit
kumulang apatnapu’t-limang minuto ang byahe kung mayron kang sariling sasakyan.
Ang Campuestuhan Resort naman na isang kahanga-hangang lugar-pasyalan ay ganun
din kahaba ang paglalakbay mula sa Bacolod. Subalit pagdating mo sa mga lugar
na ito ay masasabi mo naming sulit na sulit ang iyong byahe sapagkat talaga namang
magaganda at kaaya-aya ang mga ito.
Dalawang taon na ang nakalilipas
simula nang mapasyalan ko kasama ng aking pamilya ang “The Ruins”. Ito ay
isang makapigil-hiningang gusali na itinayo sa ngalan ng pag-ibig at iginupo
naman ng poot ng digmaan. Matamis at masalimuot ang kwento sa likod ng gusaling
ito na tinaguriang Taj Mahal ng Negros. Isa ito ngayon sa mga lugar na hindi
nakakaligtaang dalawin ng mga turista sa Bacolod City at Negros. Naging saksi
na rin ito sa napakaraming mga kasalan at iba’t-ibang mga okasyon. Marami na rin
daw na mga kilalang tao ang dumalaw at pinahanga ng gusaling sa loob ng
maraming dekada ay naging simbolo ng kayamanan at pagmamahalan.
Ayon sa salaysay, ang bahay na ito ay itinayo noong
1900’s ng isang mayaman at makapangyarihang hacienderong si Don Mariano Ledesma Lacson (1865-1948)- para sa kanyang asawang si Maria Braga Lacson. Si Don Mariano na may dugong Pilipino-Kastila
o EspaƱol ay isa sa mga nanguna noon sa industriya ng asukal at nagmamay-ari ng
napakalawak na mga taniman ng tubo at pagawaan ng asukal. Si Maria naman ay
isang Portugis mula sa Macau. Ang mansyon na kanyang ipinatayo ang siyang
pinakamagara at pinakamalaking bahay sa buong lalawigan noon. Nakapaloob dito ang mga
pinakamagaganda at pinakamamahaling mga mwebles at kagamitang pambahay na
nagmula pa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Sa labas naman ay matatagpuan ang
napakagandang hardin na mayroong napakagarang fountain.
Pinangunahan ng isa sa mga anak ng don ang
pagtatayo ng gusali na ginamitan pa ng pinakamatitibay na kahoy at pangunahing
uri ng semento at iba pang mga materyal. Sinasabing hindi mabilang na itlog ng
manok ang ginamit upang pakintabin ang mga dinding nito. Hanggang sa ngayon ay
damang-dama pa ng mga palad ang kinis ng mga dingding sa ilang bahagi
ng gusali.
Bagamat ang gusali ay itinayo sa ngalan ng
pag-ibig, iginupo naman ito ng galit at poot noong panahon ng digmaan. Ayon sa
salaysay ay sinunog ito ng mga gerilyang Pilipino diumano sa utos na rin ng Don
upang ito ay hindi mapakinabangan o
magamit bilang himpilan ng mga sundalong Hapon. Sa sobrang tibay at
tatag ng gusali ay makailang ulit nila itong sinubukang sunugin ngunit
nagtagumpay lamang sila pagkalipas ng tatlong araw. Pinaghalong langis at gasolina
ang naging katapat ng makakapal na sahig na kahoy at bubungan na natupok ng
lubusan pagkatapos ng tatlong araw na lagablab ng apoy. Subalit ang
napakagarang hagdanan, ang mga haligi at dingding ay nanatiling nakatayo
hanggang sa ngayon.
Sa tibay ng pagkakatayo ng gusali, pinatunayan
mismo ng mga inhinyero na ito ay maaring pang gamitin o tirahan
kung sakaling aayusin at ibabalik sa dating anyo. Maging mga arkitekto umano ay
nagsasabing kakaiba ang disenyo ng nasabing gusali na maihahalintulad sa mga
sikat na gusali na matatagpuan sa iba’t- ibang dako ng mundo.
Salamat na lamang
sa mga kaanak ng dakilang Don na nakaisip na muling ibalik ang dating ganda at
sigla ng bahay makalipas ang napakahabang panahong ito ay napabayaan at halos
ibinaon sa limot. Bagamat hindi na maibabalik ang orihinal na anyo nito, sapat
na ang ibukas ito sa publiko upang magsilbing alaala ng nakalipas. Ito rin ay
isang inspirasyon sa ngalan ng pag-ibig, at paalaala naman sa kalupitan at hinagpis
ng dulot ng digmaan.