Sunday, September 28, 2014

Ang Linggo sa Loob ng Sampanaw: Mga Natatanging Karanasan ng Isang Dumb Guard (Part 8)


Do not let Sunday be taken from you.
                                                                                                 
                                                                                                  -Albert Schweitzer


Ang araw ng Linggo ang isa sa pinaka-aabangan ng bawat kadet ng PMA- lalo na ng mga plebo. Kapag Linggo kasi, malaki ang pagkakataaon na makakapagpahinga ng mabuti ang isang plebo. Medyo maluwag din sa amin ang mga kadeteng nasa mataas na antas lalo na kung sila ay pinayagan na makalabas at makapagliwaliw sa Baguio kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ganoong oras pa din ang gising namin sa tuwing araw ng Linggo. Ang mga nakatakdang gawain sa Iskedyul ng mga Tawag (Schedule of Calls) ay pareho pa rin. Naglilinis, nagbubunot, naghaharana at naghahanda pa rin kami ng aming mga uniporme para sa maghapon. Ngunit ang Linggo ay isang masayang araw.

Maaga ang umagahan sapagkat lahat kami ay nakatakdang dumalo sa misa (kung ikaw ay Katoliko) at iba pang sebisyong pang- ispiritwal o religious services. Bawat kadete ay binibigyan ng kalayaan kung saang simbahan, kapilya o sekta ng relihiyon niya gustong magpunta. Pinakamarami ang mga Katoliko samantalang mayroon ding mga Iglesia ni Kristo, Baptist, Seventh Day Adventist, Mormons, Born Again Christian. Ang mga kadeteng Muslim ay may nakalaang silid- sambahan at may Imam na pumupunta sa nakatakdang araw upang pamunuan ang kanilang pagsamba. Dahil sa Katoliko at iilang sekta lamang ang mayroong simbahan o sambahan sa loob ng PMA, karaniwang pinapayagang lumabas sa ilang dako ng Baguio ang mga kadete tuwing Linggo upang magsimba o magsamba. Bagamat ako ay isang Katoliko, makailang beses din akong dumalo sa mga ganitong pagtitipon kasama ang aming iskwad lider noon na si Kadete T at P.

Pagkatapos ng umagahan ay agad na kaming lumalakad papunta sa kapilya ng San Ignasyo (St. Ignatius Chapel). Si San Ignasyo daw ang tinatawag na patron ng mga sundalo. Suot namin ang uniporme na tinatawag na Full Dress Gray. Para kaming mga langgam na kulay abo na pila-pilang naglalakad paahon sa kapilya na medyo may kalayuan din mula sa aming mga baraks. Subalit balewala ang ganoon kahabang lakad. Maliban sa malalakas at nasa kondisyon ang aming mga pangangatawan, naroon ang kagalakan na makapagsimba at magkaroon ng pagkakataon na makausap ng masinsinan ang Panginoon sa loob ng Kanyang Tahanan. Dagdag pa rito ay ang pagkakataong makapag- relax ng kaunti sapagkat kusang lumuluwag sa amin ang mga nakatataas sa loob ng simbahan bagamat mahigpit pa ring ipingababawal ang pagtulog habang nakikinig ng banal na misa. May mga pagkakataon ding nakakahalubilo namin ang ilang mga sibilyan o mga bisita na doon ay nagsisimba. Bonus na rin siyempre kung may mga dalagang nadoon pero hindi kami nagkakamaling tumingin sa kanila. Tiyak kasi na may nakatataas na antas na nakabakod sa kanila at sa isang maling pihit ng aming leeg ay siguradong kapahamakan na. 

 
Ang Kapilya ni San Ignasyo sa loob ng PMA. (Courtesy: www.pma.ph)
Kasabay naming nagsisimba ang superintendente, kumandante at ang kanilang mga pamilya. Kapwa mababait sina Sup at Com noon. Noong kami ay mga plebo, naabutan namin bilang PMA Sup si Rufo de Veyra at General Ed Adan - kapwa mga respetado at hinahangaang mga kabalyero at opisyal ng AFP. Samantala, sumunod naman sa kanilang mga yapak sina General Cris Balaoing at General Pol Maligalig. Si General Maligalig sa pagkakaalam ko ang tanging Sup na naitalaga pagkatapos niyang maging Kumandante. “Direct to mess”, wika ka nga.

Ang misa sa kapilya ay nakakapanindig- balahibo sapagkat napakaayos o napaka-organisado nito. Ang mga kadete ang nagsisilbi bilang mga taga- awit o choir, tagasilbi sa altar, taga-asikaso ng mga bisita o usher at usherette at iba pa. Dahil nga sa ito ay misa sa loob ng kampo, hindi mawawala ang pagkanta ng Pmabansang Awit ng Pilipinas na Lupang Hinirang. Subalit ang hindi ko makakalimutan ay ang sabay-sabay naming pagbibigkas ng Panalangin ng Kadete o Cadet’s Prayer. Hanggang sa ngayon, kabisado ko pa ang mga linya nito na isinulat ng mga kabalyerong sina Uldarico Baclagon at Deogracias Caballero, kapwa miyembro ng Klase 1940.  Ito ay ang mga sumusunod.
"Grant us, Oh God, that we may worship Thee to the utmost of faith and the limits of truth and suffer us not to fail to see the light of our true religion. Guide us that we may live this life to the fullest in devotion to Thee, in service to humanity and country and in the realization of our true self. Let the light of Thy divine wisdom direct us to a firm resolve to live up at all times to the creeds of our institution and teach us never to fail to measure up to the ideals of the profession we have chosen through life to follow. Make us do or think or say of others that which we want done, or thought, or said of us. Help us to live each day in the passing years in useful efforts that our lives may be spent in accord with the pattern of our creeds -the true, the noble, and the high. Give us that honest purpose in life which seeks fair deal with everyone and spurns all forms of hypocrisy that will enkindle our fighting faith, and smother all seeds of cowardice and fear in our hearts; the loyalty to our principles that places all issues above personal considerations, and shuns compromise with vice and injustice. Strengthen our hearts with fortitude that we may discipline our lives to trail the difficult paths rather than to stray on the easier ways. Teach us to aspire above the levels of common lives. Help us to see all things in their true light that we may guard against the frivolity in the sacred things of life even as we may enjoy in clear laughter its many delights. Teach us to make our play in every game, whether in mere sports or in life's mightier struggles, one where our desire to win is second only to our love of the game itself, where we triumph as considerate victors or lose with grace and a determined will to win. Endow our hearts with kindness that we may sympathize with those who sorrow and suffer; unite us in friendship, with all and help us share the merriment of those with cheerful countenance that we may partake of their joy. All of which we ask with faith to the everlastingness of Thine fount of grace to all men. Amen."
 Pagkatapos ng misa, at pagkatapos batiin ang isat-isa ng "Happy Sunday", agad- agad kaming bumabalik sa aming baraks upang magsipag-bihis ng Athletic Uniform. Kadalasan kasi ay nagyayang tumakbo papuntang PMA Gate ang aming iskwad lider o buddy. Minsan naman ay sa swimming pool o gym ang puntahan namin upang hasain ang aming paglangoy o kaya ay pakisigin ang aming katawan. Pagkatapos nito ay kadalasang sa bowling canteen ang aming bagsak upang tikman ang masarap na batchoy at long john (isang uri ng tinapay) doon. Si Ate Rose (ewan ko kung nasaan na siya ngayon) ang tagapamahala ng canteen noon.

Pagkatapos naman ng tanghalian ay simula na naman ng pribiliheyo ng mga nakatataas na antas. Pinapayagan silang lumabas ng PMA kung wala silang parusang pingsisilbihan, at kung sila ay hindi deficient (nakakuha ng mababang grado) sa anumang sa kurso o asignatura. Siyempre, masaya kami kung wala sila sapagkat pwede kaming matulog maghapon o kaya naman ay pwede kaming magliwaliw sa loob ng PMA. At kung malakas talaga ang loob mo ay pwede ka ring mag-istima o “entertain” ng iyong bisita.

Sadyang sinusulit namin ang araw ng Linggo o Araw ng Panginoon. Kinabukasan kasi ay simula na naman ng isang araw, ng isang buong linggo. Kung paano ito magsisimula o matatapos ay bahagi lamang ng tinatawag na “a day in the life of a cadet”.