Friday, September 12, 2014

Motherhood: Para kay Pauline- Asawa, Kaibigan, Ina


Women are tenacious, and all of them should be tenacious of respect; without esteem they cannot exist; esteem is the first demand that they make of love.

-Honore de Balzac

Ngayon naman tatagalugin ko o kaya ay Pilipino para maiba naman. Ito ay tungkol sa pagiging ina.

Alam ko na mahirap ang maging isang ina. Nakita ko sa aking minamahal na nanay kung papano niya kami inaruga mula noong kami ay maliit pa hanggang sa nagkaroon na ng kaniya- kaniyang pamilya. Tulad ko, malamang hindi mo rin masyadong na-aapreciate ang mga sakripisyong ginawa ng iyong mga magulang lalo ng iyong ina noon iyong kabataan. Madalas iniisip lang natin ay ang ating sarili at ang ating maliliit na problema. Halimbawa ay kung magkano kaya ang maitatabi mo sa baon mo at kung ano ang pwede mong bilhing laruan. O kaya, ano ba ang hihingiin mo sa katapusan ng buwan pagdating ng sahod ng iyong magulang. Madalas ay nagtatampo tayo kapag hindi naibigay ang ating kahilingan o hindi napagbigyan ang ating ‘request’. Kung anu- ano kasing baitang o stage and pinagdadaanan ng mga kabataan. Pakiramdam natin hindi tayo nauunawaan ng ating mga magulang o kaya ay pati ng ating mga kapatid. Nagiging mga ‘rebellious’tayo, wika nga. Ganun lang talaga siguro ang kabataan. “The folly of the youth” sabi nga sa Ingles.
Sa ngayon, kapag napapag- usapan ang salitang ina at pagiging ina, tatlong babae agad ang pumapasok sa isipan ko: ang aking sariling ina, ang aking byanan at ang aking butihing asawa. Tatlong babaeng nabuhay sa ibat’ ibang panahon, magkakaibang lugar at kapaligiran, may magkakaibang pamamaraan ng pagiging magulang at higit sa lahat, pagiging ina.

Ang aking ina ay tradisyunal palibhasa kami ay nakatira at lumaki sa probinsya. Kumpara sa aking ama, si mama ang siyang ‘disciplinarian’. Mahigpit pero malambing. Masakit ang dantay ng mga palo nya sa aming mga hita ngunit walang kasing sarap naman kapag hinaplos nya pagkatapos. Bagamat hindi niya kami pinilit mag- aral ng mabuti, ipinaunawa niya sa amin ang kahalagahan ng edukasyon, ang kahalagahan ng ‘diploma’, ang kahalagahan ng karungang taglay ng isang tao. Pangalawa sa aming buhay, ito siguro ang pinakamahalagang naibibigay ng aking ina at ama sa amin. Kapalit ng edukasyon naming magkakapatid ay ang pagsasakrispisyo nila sa kanilang sariling mga pangangailangan.

Siyempre hindi ko nakita ang paraan ng pagpapalaki ng aking biyanang babae sa aking asawa subalit nakita ko kung paano ang pagmamahal na ibinigay at inilaan nya para aming anak-na kanyang apo. Ang aking biyanan ang siyang matiyagang nagpuyat sa pagbabantay sa panganganak ng aking asawa sa hospital. Nakita ko ang mukha ng matinding pangamba habang siya ay naghihintay sa paglabas ng kanyan apo at ang mataimtim nyang panalangin para sa kaligtasan ng dalawa. Higit sa lahat nakita ko kung anong galak ang bumalot sa kanyang mukha nang sandaling masilayan niya si Ruth Carmela Zamielle. Hindi mawala sa isipan ko ang larawan ng kanyang mukha habang pinagmamasdan ang kanyang apo; habang kalong nya si Ruth sa kanyang mga braso; at habang yakap nya ito sa kanyang dibdib. Halos hindi sya natulog ng mga panahong iyon. Dahil diyan ay laking pasasalamat ko sa pagmamahal na iniukol nya sa aming pamilya.

At siyempre, si Pauline. Mahirap ikuwento kung paanong binago ng MOTHERHOOD ang aking asawa. Noon, madalas siyang mamili, mag- shopping ng kung anu- ano para sa kanyang sarili-mga mamahaling damit, sapatos, alahas, kasangkapan o kagamitan. Mahilig siyang dumalo sa mga party at mga okasyon. Ngunit mula noong dumating si Ruth sa buhay namin, sadyang nagbago ang pananaw niya sa buhay. Ang kanyang mga bisita sa mall ay kadalasang para kay Ruthie- mga gamit, damit, gatas, diaper at kung ano pang mga pangagailangan ng bata. Sa halip na gumala kung saan-saan, nakatuon ang kanyang atensyon sa kinabukasan ni Ruth. Kung noon ay mga kaibigan nya ang kasama niya sa mga party, ngayon ay mga okasyong pambata na ang madalas nyang puntahan tulad ng binyag at kaarawan. Nariyan din ang sinasabi niyang Avenue for Mommies online. Ito siguro yung mga ina na madalas nag- uusap- usap kung saan ang mga sale ng gamit pambata, mga diaper, mga laruan at kung ano pang mga gamit pambata. Palagi ko kasing naririnig na nag- uusap sila tungkol sa kung papano ba palakihin ang bata ng maayos. Ano ba ang magandang school? Ano ba ang kaibahan ng British at American English. Saan ba magandang mag-outing ang mga bata.

Kung iisa-isahin ko ang mga bagay na nagbago sa kanya mula ng dumating si Ruth, tiyan na isang mini- book ang maisusulat ko. Hindi rin maiiwasan na kami ay nagtatalo sa pamamaraan ng pagpapalaki ng bata. Siguro naman ay normal ito sa mga mag-asawa. Minsan, sinasaway ko sya kapag pinapagalitan nya si Ruth sa harap ko. Sa murang edad kasi ni Ruth, mayron na itong pride na matatawag. Ayaw nyang pinapagalitan sya sa harap ng ibng tao. Nagsusumbong o kaya ay naghahanap ng kakampi. Papano nga ba talaga ang magpalaki ng anak? Paano nga ba tularan ang ginawa n gaming mga magulang?

Kung tutuusin ay talagang hindi maipagkakaila ang sakripisyong ginagawa ng isang ina lalo ng kung madalas ay ginagampanan nya rin ang tungkulin ng isang ama. Para sa katulad ko na palaging wala sa aming tahanan at malayo sa piling ng aking mag-ina, kahanga- hanga ang sakrispisyo ng ating mga asawa. Karapat dapat lamang na ito ay suklian ng pagmamahal at pag- aaruga. Tunay ngang sila ang ilaw ng tahanan.

Mary Pauline, binabati ka namin ni Ruth ng Maligayang Araw ng mga Ina. Nawa ay patuloy kang pagpalain ng Panginoong Maykapal ng magandang kalusugan, maayos na pangangatawan at mahabang mahabang buhay kapiling kami ni Ruth. Nawa ay hindi manimdim ang ilaw na taglay mo sapagkat kung wala ka, tila ba kaydilim ng landas na aming tatahakin.

Minamahal ka namin nang lubos.