Sunday, September 14, 2014

Pagbabalik



Kaibigan,

Isang mapayapang pagbati sa’yo at iyong mga kasamahan.

Ako ay isang sundalo na nakatalaga dito sa inyong barangay. Mahabang panahon na rin ang aking ginugol bilang kasapi ng Hukbong Katihan. Tungkulin naming pagsilbihan ang mga mamamayan at ipagtanggol ang ating bayan sa lahat ng mga kaaway nito, banyaga man o kapwa natin Pilipino. Tulad mo, ako ay naging saksi na rin sa maraming mga karahasan sa pagitan ng mga sundalo at ng inyong grupo. Makailang ulit ko na ring naranasan ang kalupitan ng labanan at ang pait na dulot nito sa bawat panig lalung- lalo na sa mga mamamayan na walang kinalaman sa kaguluhan.

Sa loob ng mga panahong inilagi namin dito sa inyong lugar, napag- alaman ko ang inyong mga karaingan at suliranin na nagtulak sainyo upang magpasya na magbitbit ng sandata. Bilang isang Pilipino, nais kong malaman ninyo na nauunawaan ko ang inyong mga ipinaglalaban. Hangad ko na mas higit pang maunawaan ang inyong kalagayan at nang sa ganun ay makatulong ako sa anumang paraan sa abot ng aking makakaya. Siguro naman ay nababalitaan mo na ang mga programa na aming isinasagawa ngayon dito sa ating lugar. Inaanyayahan kita sampu ng iyong mga kasamahan na makiisa sa mga programa ng ating pamahalaan. Lahat ng aming ginagawa ay may hangaring makapaghatid ng kapayapaan, kasiguruhan at kaunlaran sa ating bayan. Para sa inyo, para sa ating mga anak.

Kung nais mong makipag- ugnayan o makipag- usap sa akin, ako ay nakahanda upang kayo ay harapin anumang oras, saanmang lugar. Ito ang tungkulin at panata ko bilang isang sundalo, kaibigan at kapwa Pilipino na naghahangad ng katahimikan. Ang pamahalaan ay nakahandang makinig at tumanggap saiyo. Ako, sampu ng aking mga kaibigan at kapamilya ay buong- pusong nagpapaabot ng aming paanyaya upang muli kang magbalik sa buhay na matiwasay at malaya  .

Sana ay magkita tayo sa lalong madaling panahon. Mananatiling bukas ang aming pintuan at naghihintay sa iyong mapayapang pagababalik.

Naghihintay sa ngalan ng kapayapaan,

Sgt Matapat