Monday, October 6, 2014

Recognition Day: More than a Rite of Passage (Part 2)



Maaga pa ay gising na kami sa pinakahihintay na araw namin- ang Recognition Day. Nakatakda kasing ibukas ang aming barracks para sa mga bisita lao na sa mga kapalmiya namin. May open house kumbaga. Ikalawang open house na namin ito. Ang una ay yung sa Summer Camp/ Beast Barracks pa. Bagamat pangalawang beses na ito, kakaiba ang naramdaman namin noon sapagkat nasa totoo at regular na barracks na kami. Todo- linis ang aming ginawa para naman ‘di kami mapahiya. Kinuskos namin nang husto ang mga dingding, pinunasang maigi ang mga bintana at pinakintab ang mga sahig. Inayos naming mabuti ang aming mga kama at kabinet. Pantay na pantay ang pagkakahanay ng nga damit sapatos at pati na ang mga libro. Halos walang makikitang alikabok o anumang dumi ang ordinaryong mga mata. Sa maalala ko ay mayroon pa ngang mga kurtinang ikinabit na parepareho ang kulay sa lahat ng mga kwarto. Pati ang pagkabukas o paling ng mga bintana ay pantay- pantay din. Ang mga salamin naman ay pinalinis nang mabuti gamit ang dyaryo at basahan. At syempre mayroon pang air freshener upang maging mahalimuyak ang aming mga kwarto at kahit paano ay hindi umalingasaw ang pawis na dulot ng mga kabado naming katawan.

“Ang barracks ang piping saksi sa bawat sakripisyo, paghihirap at ginhawa (meron din naman), mga halakhak at hagulhol, at tagumpay at kabiguan namin sa loob ng ilang buwan. Ito ang aming tirahan at tahanan at sa loob nito ay isa kaming pamilya. Ito ang umaaruga sa amin habang malayo kami sa piling ninyo. Dito ko gugulin ang apat na taon upang matupad ang pangarap ko katulad ni Sergeant Mar CariƱo sa pelikulang “Mistah”.” Ito sana ang sasabihin ko sa aking mga magulang noon pero syempre hindi ko yun nasabi sa kanila nang sila ay pumanhik na sa aming kwarto. Ang tanging nabanggit ko ay “welcome po”, salamat po sa pagdalaw ninyo, at eto po ang aming kwarto. Katulad noong una, hindi pa rin ako nayakap o nahagkan ng aking mga magulang. Hindi rin ako nakapagmano man lamang sapagkat ayon sa tradisyon at kaugalian, bawal na bawal talaga ang PDA lalo na kapag nakasuot ng full dress white. Sabi ko sa kanila ay saka na lamang ako yakapin kapag nasa labas na kami. Kahit mabigat sa loob ay pumayag na rin ang aking ina. 

S’ya nga pala, bago ang araw ng pagkilala ay maroon pa kaming pinagdaanang seremonya. Suot ang kanya- kanyang Company Athletic Uniform (berde ang suot namin sa Alfa), nagpakitang gilas kami sa mga bisita kung gaano na kalakas ang aming mga isip at pangangatawan mula nang huli nila kaming nakita. Animo’y mga atleta o manlalaro kami na nagpapaligsahan sa ibat- ibang ehersisyo na ang aming ginawa sa harap ng napakaraming tao na dumayo pa mula sa ibat-ibang daki ng bansa. Balewala ang Army Dozen noon- dala na rin siguro ng adrenaline at kasiyahan. Umikot kami sa lahat ng walong kumpanya sa gitna ng Borromeo Field upang patunayan sa mga nakatataas na antas na handang- handa na kami upang ma- recognize. Hindi namin alintana ang pawis at putik na bumalot sa aming katawan bagkus ay ang kasiyahan at excitement sa napipintong pagtatapos ng aming paghihirap. Makalipas ang ilang oras ay tumunog na ang trumpeta- hudyat na tapos na ang unang bahagi ng programa. Pinawi ng malakas na buhos ng tubig mula sa trak ng bumbero ang putik at pawis na bumalot sa amin. Napawi na rin ang iba pang mga agam-agam at hinagpis na naipon sa amin sa mga nakaraang buwan.

Kinabukasan, pagkatapos ng open house, ay nagsipuntahan na kami sa Quezon Avenue upang humanay para sa nakatakdng parada. Sa kabila ng kasiyahan ay abot- langit pa rin ang aking kaba. Siguro ay dahil mas mataas na ang inaasahan o expectation sa amin kumpara sa noong nakaraang incorporation. Sadyang mahirap gawin ang tinatawag bridge posture o position (ito yung exaggerated na porma ng katawan na parang nakaarko ang likod at nakabaon ang baba sa leeg na ginagawa upang mahubog ang postura ng isang plebo), pero nakuha ko itong tiisin sa loob ng ilang oras. Sabi kasi ng aming iskwad lider at buddy ay matatapos na ang ganitong mga klaseng gawain kapag kami ay recognized na.

Muling nanindig ang aking balahibo nang magsimulang tugtugin ng banda ang Awit Plebo o Plebesong...

As each Saturday adds to our past
Every month filled with mem’ries that last
We have left at the end of each day
Some weak habits of thought or of play
Insignificant in their esteem
‘till the day that is still but a dream
The parades and inspections and then
The corrections are part of a glorious scheme
 Knock Knock
Oh, we do or die, raise our knees waist high
For we’ve learn to do without asking why
Though we often doze
Change within us grows
And true manliness clearly shows
Knock Knock

Para akong nakalutang sa hangin subalit tantyado ang aking mga hakbang at sensitibo ang aking mga tainga sa lahat ng mga utos o command. Pinag- igihan ko ang pag- martsa sapagkat alam kong nanonood kasama ng napakaraming tao ang aking pamilya at mahal sa buhay. Mas magaling na rin kami sa pagsaganap ng pagsasanay sa paghawak ng sandata o manual of arms kumpara noong parada ng Incorporation Day. Dumadagungdong ang palakpakan ng mga manood sa bawat hakbang o kilos na aming ginawa.

Hindi nagtagal ay hinudyat na ang seremonya ng pagkilala o recognition. Sa saliw muli ng Awit Plebo ay bumuo kami ng hugis walonsulok o octagon na kumakatawan sa walong balangay- mula Alfa hanggang Hawk. Bilang na bilang ang mga hakbang na aming ginawa sapagkat bawat isa ay may nakatakdang posisyon upang maging perpekto ang hugis ng walonsulok. Nang mabuo na ang hugis ay saka naman nagmartsa papunta sa aming mga harapan ang mga tigre at leon-ang mga nakatataas na antas o upper class. Muli kaming nag-bridge sa kanilang harapan tanda nang pagiging plebo. Nagsimulang tugtugin ang Strong Hearts at habang ito ay itinutugtog, isa- isa kaming kinamayan ng mga upper class at ibinangon kami mula sa bridge position upang ganap na maging matikas ang aming mga tayo.

Let every heart with fervor sing
While bugle sounds recall
Let scroll unfold old tidings bring…
The mem’ries dear to all –
For hearts are young again, my dear
For hearts are again.
We’ve known the warmth of hearts before
Let old mem’ries live again.

Ito na yung tinatawag na blessed handshake-isang ordinaryong kamayan lamang kung titingnan ngunit may nakapaloob na malalim na kahulugan. Ang higpit ng pagdadaupang palad at yakap ang tanging saksi sa kung anumang kahulugan mayron ito sa bawat kadete. Hindi ko rin namalayan ang pagpatak ng aking luha lalo na nung kamayan at yakapin ako ng isang kadete na sa tingin ko ay ang siyang nagpahirap nang husto sa akin ngunit siya namang may pinaka maraming naituro at naibahagi akin.

 Our alma mater hail to thee
May each loyal sons proclaim
Tho’ yonder we may roam and die
We’ll ever be the same
For hearts are strong in thee, my dear
For hearts are strong in thee
We’ll stand the test of time and woe
Ever loyal sons to you.

Ito ang Recognition Day. Ordinaryong seremonya lamang kung titingnan ngunit sa gitna nito ay ang napakaraming kwento ng sakripisyo at tagumpay, pighati at kasiyahan, luha at halakhak at higit sa lahat mga samahang nagsimulang pandayin at pagkakaibigang susubukin ng panahon at kapatirang nagbibigkis sa Long Gray Line.

And when the taps shall sound for men
Banners drape my last remains.
Let singing comrades burry me
To the echo of the strains
For hearts will live and die for thee
Forever live in thee
Young blood shall come to carry on
When the old strong hearts are gone.